Singil sa tubig, maaaring tumaas ng 100%

Noong Miyerkules, nagbabala ang Manila Water at Maynilad na posibleng tumaas ang singil nila sa tubig ng 100% matapos kanselahin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang kanilang extension deal na tatagal pa sana ng 15 taon.
Imahe mula Diaryo Bomba

Sa isang ulat ng GMA Network, sinabi ni Maynilad President and CEO Ramoncito Fernandez, na malaki ang magiging epekto ng pagkakansela sa extension deal sa sistema ng pagsingil nila sa tubig.

"Maraming factors ang kailangan i-compute... It's definitely more than 100%," sabi ni Fernandez.

Sumang-ayon naman si Manila Water board member Antonino Aquino sa pahayag ni Fernandez.

"Ganun na rin siguro yung mangyayari dito," sabi ni Aquino.

Kinumpirma ni MWSS deputy administrator Leonor Cleofas na ibinasura ng board nitong Disyembre 5 ang resolusyon na nag-aapruba na palawigin ang concession agreements sa Maynilad at Manila Water.

Sa 2022 dapat magtatapos ang kontrata sa dalawang water firm batay sa unang kasunduan. Pero kahit hindi pa natatapos ang unang kontrata, pinalawig na ng MWSS board ang kasunduan ng 15 taon noong Oktubre 2009 at Abril 2010.

Nabahala naman si Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers sa ibinabalang taas-singil ng Maynilad at Manila Water.

"Samakatuwid, kung ang taong bayan ay nagbabayad ng P10 per cubic meter, magiging P20 na ito. Mahigit sa P20. Medyo nakakatakot isipin itong mangyayari. Mas malaking pahirap sa ating mga kababayan itong sitwasyon," sabi ng kongresista.

Umaasa si Barbers na makahahanap ng paraan ang pamahalaan at ang dalawang water firm para hindi lubhang maapektuhan ang publiko.

"I'm sure marami namang puwedeng gawin na measures para maibsan ang problema," saad ni Barbers.

"Hindi man natin mapigilan yung pagtaas at pagkansela ng extension, siguro marami naman ding paraan na puwede nating pag-usapan ng gobyerno at ng mga concessionaires," dagdag niya.


***
Source: GMA Network
Singil sa tubig, maaaring tumaas ng 100% Singil sa tubig, maaaring tumaas ng 100% Reviewed by Nathan Singson on December 12, 2019 Rating: 5

No comments:

Powered by Blogger.