Mag-ingat: Balikbayan mula Hongkong hinoldap ng airport taxi driver

Naperwisyo ang planong makapagnilay-nilay sa Semana Santa ng isang balikbayan mula Hongkong matapos itong holdapin ng isang taxi driver sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkoles ng umaga.
Photo from ABS-CBN

Ayon sa biktimang si Karen Mitschek, sumakay siya sa isang puting taxi sa Terminal 2 ng NAIA, pero nang makalayo sa paliparan ay binantaan siyang babarilin ng drayber kung hindi ibibigay ang mga gamit niya.

"Sabi niya 'yung cellphone ko ibigay ko... Sabi niya pagbaba ko 'wag ako sisigaw kasi pag sumigaw ako at humingi ng tulong babarilin ako," pag-alala ng biktima. 

Binaba si Mitschek ng suspek sa may C5 at bumalik siya sa airport para magsumbong.


"Kakauwi ko nga lang po. Eight days lang po ako dito sa Pilipinas. Sabi ko sa driver 'parang awa niyo na kararating ko lang po, hindi ko pa nakikita anak ko.' Basta buhay ako kahit ano ibibigay mo na," sabi niya.

Sinabi ng pamunuan ng paliparan na hindi na muna nila papayagan sa NAIA ang mga taxi mula sa kaparehang kompanya ng holdaper.

"Nagbigay na ako ng kautusan na i-ban 'yung buong fleet ng taxi na 'yon dahil pasaway at peste 'yan sa mga mananakay. Hindi ko nilalahat. May ilan talagang ganu'ng pangyayari but definitely we will act on it," pangako ni Ed Monreal, general manager ng Manila International Airport Authority.

Ayon sa huling impormasyon na nakuha ng mga awtoridad, inabandona na ng suspek ang taxi hindi kalayuan sa airport.

Pinaalalahanan ng pamunuan ng NAIA ang mga pasahero na maging maingat sa pagsakay sa taxi lalo na at hindi na ito sakop ng airport.




***
Source: ABS-CBN 
Mag-ingat: Balikbayan mula Hongkong hinoldap ng airport taxi driver Mag-ingat: Balikbayan mula Hongkong hinoldap ng airport taxi driver Reviewed by Nathan Singson on April 18, 2019 Rating: 5

No comments:

Powered by Blogger.